|

Inaugural Speech of His Excellency
President Benigno Simeon C. Aquino III
Luneta Grandstand, Roxas Blvd., Manila
30 June 2010
His Excellency Jose Ramos Horta, members of the diplomatic
corps, Vice President Jejomar C. Binay, Former President Jose Valdez
Ramos, Former President Joseph Ejercito Estrada, Senate President
Juan Ponce Enrile and other members of the Senate, Speaker Prospero
Nograles and other members of the House of the Representatives,
members of the Supreme Court, special envoys and members of the
diplomatic corps, local government officials, distinguished guests,
mga minamahal kong kababayan.
Ang pagtayo ko rito ngayon ay patunay na kayo ang
aking tunay na lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong
ito, na ako’y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi
ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng
mga suliranin ng ating bayan.
Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat
sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak,
mabait na kuya, at mabuting mamamayan.
Nilabanan ng aking ama ang diktadurya at ibinuwis
niya ang kanyang buhay para tubusin ang ating demokrasya. Inalay
ng aking ina ang kanyang buhay upang pangalagaan ang demokrasyang
ito. Ilalaan ko ang aking buhay para siguraduhin na ang ating demokrasya
ay kapaki-pakinabang sa bawa’t isa. Namuhunan na po kami ng dugo
at handang gawin itong muli kung kakailanganin.
Tanyag man ang aking mga magulang at ang kanilang
mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan. Alam
nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at
bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na
mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging
ating tagapagtanggol.
Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng pamahalaang
inyong iniluklok sa pwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko
para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wangwang sa
kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang sawa na sa pamahalaang sa halip
na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensyahan
at tiisin? Ako rin.
Katulad ninyo ako. Marami na sa atin ang bumoto
gamit ang kanilang paa – nilisan na nila ang ating bansa sa kanilang
paghahanap ng pagbabago at katahimikan. Tiniis nila ang hirap, sinugod
ang panganib sa ibang bansa dahil doon may pag-asa kahit kaunti
na rito sa atin ay hindi nila nakikita. Sa iilang sandali na sarili
ko lang ang aking inaalaala, pati ako ay napagisip din – talaga
bang hindi na magbabago ang pamamahala natin dito? Hindi kaya nasa
ibang bansa ang katahimikang hinahanap ko? Saan ba nakasulat na
kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?
Ngayon, sa araw na ito – dito magwawakas ang pamumunong
manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng
paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis
ng sambayanan. Ito naman po ang umpisa ng kalbaryo ko, nguni’t kung
marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man
kabigat.
Sa tulong ng wastong pamamahala sa mga darating
na taon, maiibsan din ang marami nating problema. Ang tadhana ng
Pilipino ay babalik sa tamang kalagyan, na sa bawa’t taon pabawas
ng pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at may kasiguruhan
sila na magiging tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.
Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari.
Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago – isang malinaw na utos para
ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang
ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan
ang pinangangalagaan.
Ang mandatong ito ay isa kung saan kayo at ang inyong
pangulo ay nagkasundo para sa pagbabago – isang paninindigan na
ipinangako ko noong kampanya at tinanggap ninyo noong araw ng halalan.
Sigaw natin noong kampanya: ‘Kung walang corrupt, walang mahirap.’
Hindi lamang ito pang-slogan o pang-poster – ito ang mga prinsipyong
tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.
Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap
na maiangat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal
ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan.
Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng tuwid at
tapat na hanay ng mga pinuno. Magsisimula ito sa akin. Sisikapin
kong maging isang mabuting ehemplo. Hinding hindi ko sasayangin
ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Sisiguraduhin ko na ganito
rin ang adhikain ng aking Gabinete at ng mga magiging kasama sa
ating pamahalaan.
Naniniwala akong hindi lahat ng nagsisilbi sa gobyerno
ay corrupt. Sa katunayan, mas marami sa kanila ay tapat. Pinili
nilang maglingkod sa gobyerno upang gumawa ng kabutihan. Ngayon,
magkakaroon na sila ng pagkakataong magpakitang-gilas. Inaasahan
natin sila sa pagsupil ng korapsyon sa loob mismo ng burukrasya.
Sa mga itinalaga sa paraang labag sa batas, ito
ang aking babala: sisimulan natin ang pagbabalik ng tiwala sa pamamagitan
ng pag-usisa sa mga ‘midnight appointments.’ Sana ay magsilbi itong
babala sa mga nag-iisip na ipagpatuloy ang baluktot na kalakarang
nakasanayan na ng marami.
Sa mga kapuspalad nating mga kababayan, ngayon,
ang pamahalaan ang inyong kampeon.
Hindi natin ipagpapaliban ang mga pangangailangan
ng ating mga estudyante, kaya’t sisikapin nating punan ang kakulangan
sa ating mga silid-aralan.
Unti-unti din nating babawasan ang mga kakulangan
sa imprastruktura para sa transportasyon, turismo at pangangalakal.
Mula ngayon, hindi na pwede ang ‘pwede na’ pagdating sa mga kalye,
tulay at gusali dahil magiging responsibilidad ng mga kontratista
ang panatilihing nasa mabuting kalagayan ang mga proyekto nila.
Bubuhayin natin ang programang ‘emergency employment’
ng dating Pangulong Corazon Aquino sa pagtatayo ng mga bagong imprastruktura
na ito. Ito ay magbibigay ng trabaho sa mga lokal na komunidad at
makakatulong sa pagpapalago ng kanila at ng ating buong ekonomiya.
Hindi kami magiging sanhi ng inyong pasakit at perwisyo.
Palalakasin natin ang koleksyon at pupuksain natin ang korapsyon
sa Kawanihan ng Rentas Internas at Bureau of Customs para mapondohan
natin ang ating mga hinahangad para sa lahat, tulad ng:
* de-kalidad na edukasyon, kabilang ang edukasyong
bokasyonal para makapaghanap ng marangal na trabaho ang hindi makapag-kolehiyo;
* serbisyong pangkalusugan tulad ng PhilHealth para
sa lahat sa loob ng tatlong taon;
* tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad.
Palalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating
kasundaluhan at kapulisan, hindi para tugunan ang interes ng mga
naghahari-harian, nguni’t para proteksyunan ang mamamayan. Itinataya
nila ang kanilang buhay para mayroong pagkakataon sa katahimikan
at kapayapaan sa sambayanan. Dumoble na ang populasyong kanilang
binabantayan, nanatili naman sila sa bilang. Hindi tama na ang nagmamalasakit
ay kinakawawa.
Kung dati ay may fertilizer scam, ngayon ay may
kalinga nang tunay para sa mga magsasaka. Tutulungan natin sila
sa irigasyon, extension services, at sa pagbenta ng kanilang produkto
sa pinakamataas na presyong maaari.
Inaatasan natin ang papasok na Kalihim Alcala na
magtayo ng mga trading centers kung saan diretso na ang magsasaka
sa mamimili – lalaktawan na natin ang gitna, kasama na ang kotong
cop. Sa ganitong paraan, ang dating napupunta sa gitna ay maari
nang paghatian ng magsasaka at mamimili.
Gagawin nating kaaya-aya sa negosyante ang ating
bansa. We will cut red tape dramatically and implement stable economic
policies. We will level the playing field for investors and make
government an enabler, not a hindrance, to business. Sa ganitong
paraan lamang natin mapupunuan ang kakulangan ng trabaho para sa
ating mga mamamayan.
Layunin nating paramihin ang trabaho dito sa ating
bansa upang hindi na kailangan ang mangibang-bansa para makahanap
ng trabaho. Nguni’t habang ito ay hindi pa natin naaabot, inaatasan
ko ang mga kawani ng DFA, POEA at ng OWWA, at iba pang mga kinauukulang
ahensya na mas lalo pang paigtingin ang pagtugon sa mga hinaing
at pangangailangan ng ating overseas Filipino workers.
Papaigtingin namin ang proseso ng konsultasyon at
pag-uulat sa taumbayan. Sisikapin naming isakatuparan ang nakasaad
sa ating Konstitusyon na kinikilala ang karapatan ng mamamayan na
magkaroon ng kaalaman ukol sa mga pampublikong alintana.
Binuhay natin ang diwa ng people power noong kampanya.
Ipagpatuloy natin ito tungo sa tuwid at tapat na pamamahala. Ang
naniniwala sa people power ay nakatuon sa kapwa at hindi sa sarili.
Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin
at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong
karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan.
To those who are talking about reconciliation, if
they mean that they would like us to simply forget about the wrongs
that they have committed in the past, we have this to say: there
can be no reconciliation without justice. Sa paglimot ng pagkakasala,
sinisigurado mong mauulit muli ang mga pagkakasalang ito. Secretary
de Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing
true and complete justice for all.
Ikinagagalak din naming ibahagi sa inyo ang pagtanggap
ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. sa hamon ng pagtatag
at pamumuno sa isang Truth Commission na magbibigay linaw sa maraming
kahinahinalang isyu na hanggang ngayon ay walang kasagutan at resolusyon.
Ang sinumang nagkamali ay kailangang humarap sa
hustisya. Hindi maaaring patuloy ang kalakaran ng walang pananagutan
at tuloy na pang-aapi.
My government will be sincere in dealing with all
the peoples of Mindanao. We are committed to a peaceful and just
settlement of conflicts, inclusive of the interests of all – may
they be Lumads, Bangsamoro or Christian.
We shall defeat the enemy by wielding the tools
of justice, social reform and equitable governance leading to a
better life. Sa tamang pamamahala gaganda ang buhay ng lahat, at
sa buhay na maganda, sino pa ang gugustuhing bumalik sa panahon
ng pang-aapi?
Kung kasama ko kayo, maitataguyod natin ang isang
bayan kung saan pantay-pantay ang pagkakataon, dahil pantay-pantay
nating ginagampanan ang ating mga pananagutan.
Kamakailan lamang, ang bawa’t isa sa atin ay nanindigan
sa presinto. Bumoto tayo ayon sa ating karapatan at konsensya. Hindi
tayo umatras sa tungkulin nating ipaglaban ang karapatang ito.
Pagkatapos ng bilangan, pinatunayan ninyo na ang
tao ang tunay na lakas ng bayan.
Ito ang kahalagahan ng ating demokrasya. Ito ang
pundasyon ng ating pagkakaisa. Nangampanya tayo para sa pagbabago.
Dahil dito, taas-noo muli ang Pilipino. Tayong lahat ay kabilang
sa isang bansa kung saan maaari nang mangarap muli.
To our friends and neighbors around the world, we
are ready to take our place as a reliable member of the community
of nations, a nation serious about its commitments and which harmonizes
its national interests with its international responsibilities.
We will be a predictable and consistent place for
investment, a nation where everyone will say, ‘it all works.’
Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating
mga sarili, sa sambayanan, WALANG MAIIWAN.
Walang pangingibang-bayan at gastusan na walang
wastong dahilan. Walang pagtalikod sa mga salitang binitawan noong
kampanya, ngayon at hanggang sa mga susunod pang pagsubok na pagdadaanan
sa loob ng anim na taon.
Walang lamangan, walang padrino, at walang pagnanakaw.
Walang wang-wang, walang counter-flow, walang tong. Panahon na upang
tayo ay muling magkawanggawa.
Nandito tayo ngayon dahil sama-sama tayong nanindigan
at nagtiwala na may pag-asa.
The people who are behind us dared to dream. Today,
the dream starts to become a reality. Sa inyong mga nag-isip pa
kung tutulong kayo sa pagpasan ng ating krus, isa lang ang aking
tanong – kung kailan tayo nanalo, saka pa ba kayo susuko?
Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako
makinig sa mga utos ninyo. We will design and implement an interaction
and feedback mechanism that can effectively respond to the people’s
needs and aspirations.
Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito – ang ating
mga volunteers – matanda, bata, celebrity, ordinaryong tao, na umikot
sa Pilipinas para ikampanya ang pagbabago; ang aking mga kasambahay,
na nag-asikaso ng lahat ng aking mga personal na mga pangangailangan;
ang aking pamilya, kaibigan at katrabaho, na dumamay, nag-alaga
at nagbigay ng suporta sa akin; ang ating mga abogado, na nagpuyat
para bantayan ang ating mga boto at siguraduhing mabibilang ang
bawa’t isa; ang aking mga kapartido at kaalyado na kasama kong nangahas
mangarap; at ang milyun-milyong Pilipinong nagkaisa, nagtiwala at
hindi nawalan ng pag-asa – nasa inyo ang taospusong pasasalamat.
Hindi ko makakayang harapin ang aking mga magulang
at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay kong ito, kung hindi
ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang salita sa araw na ito.
My parents sought nothing less and died for nothing
less than democracy, peace and prosperity. I am blessed by this
legacy. I shall carry the torch forward.
Layunin ko na sa pagbaba ko sa katungkulan, masasabi
ng lahat na malayo na ang narating natin sa pagtahak ng tuwid na
landas at mas maganda na ang kinabukasang ipapamana natin sa susunod
na henerasyon. Samahan ninyo ako sa pagtatapos ng laban na ito.
Tayo na sa tuwid na landas.
Maraming salamat po at mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|