Thank you.
Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.
Speaker Feliciano Belmonte; Senate President Juan
Ponce Enrile; Vice President Jejomar Binay; Chief Justice Renato
Corona; Former Presidents Fidel Valdez Ramos and Joseph Ejercito
Estrada; members of the House of Representatives and the Senate;
distinguished members of the diplomatic corps; my fellow workers
in government;
Mga minamahal kong kababayan:
Sa bawat sandali po ng pamamahala ay nahaharap
tayo sa isang sangandaan.
Sa isang banda po ay ang pagpili para sa ikabubuti
ng taumbayan. Ang pagtanaw sa interes ng nakakarami at pagkapit
sa prinsipyo; at ang pagiging tapat sa sinumpaan nating tungkulin
bilang lingkod-bayan. Ito po ang tuwid na daan.
Sa kabilang banda ay ang pag-una sa pansariling
interes. Ang pagpapaalipin sa pulitikal na konsiderasyon, at pagsasakripisyo
ng kapakanan ng taumbayan. Ito po ang baluktot na daan.
Matagal pong naligaw ang pamahalaan sa daang baluktot.
Araw-araw po, lalong lumilinaw sa akin ang lawak ng problemang
ating namana. Damang-dama ko ang bigat ng aking responsibilidad.
Sa unang tatlong linggo ng aming panunungkulan,
marami po kaming natuklasan. Nais ko pong ipahayag sa inyo ang
iilan lamang sa mga namana nating suliranin at ang ginagawa naming
hakbang para lutasin ang mga ito.
Sulyap lamang po ito; hindi pa ito ang lahat ng
problemang haharapin natin. Inilihim at sadyang iniligaw ang sambayanan
sa totoong kalagayan ng ating bansa.
Sa unang anim na buwan ng taon, mas malaki ang
ginastos ng gobyerno kaysa sa pumasok na kita. Lalong lumaki ang
deficit natin, na umakyat na sa 196.7 billion pesos. Sa target
na koleksyon, kinapos tayo ng 23.8 billion pesos; ang tinataya
namang gastos, nalagpasan natin ng 45.1 billion pesos.
Ang budget po sa 2010 ay 1.54 trillion pesos.
Nasa isandaang bilyong piso o anim at kalahating
porsyento na lang ng kabuuan ang malaya nating magagamit para
sa nalalabing anim na buwan ng taong ito.
Halos isang porsyento na lang po ng kabuuang budget
ang natitira para sa bawat buwan.
Saan naman po dinala ang pera?
Naglaan ng dalawang bilyong piso na Calamity Fund
bilang paghahanda para sa mga kalamidad na hindi pa nangyayari.
Napakaliit na nga ng pondong ito, ngunit kapapasok pa lang natin
sa panahon ng baha at bagyo, 1.4 billion pesos o sitenta porsyento
na ang nagastos.
Sa kabuuan ng 108 million pesos para sa lalawigan
ng Pampanga, 105 million pesos nito ay napunta sa iisang distrito
lamang. Samantala, ang lalawigan ng Pangasinan na sinalanta ng
Pepeng ay nakatanggap ng limang milyong piso lamang para sa pinsalang
idinulot ng iba bagyo na ang ngalan ay Cosme, na nangyari noong
2008 pa.
Ibinigay po ang pondo ng Pampanga sa buwan ng
eleksyon, pitong buwan pagkatapos ng Ondoy at Pepeng. Paano kung
bumagyo bukas? Inubos na ang pondo nito para sa bagyong nangyari
noong isang taon pa. Pagbabayaran ng kinabukasan ang kasakiman
ng nakaraan.
Ganyan din po ang nangyari sa pondo ng MWSS. Kamakailan
lamang, pumipila ang mga tao para lang makakuha ng tubig. Sa kabila
nito, minabuti pa ng liderato ng MWSS na magbigay ng gantimpala
sa sarili kahit hindi pa nababayaran ang pensyon ng mga retiradong
empleyado.
Noong 2009, ang buong payroll ng MWSS ay 51.4
million pesos. Pero hindi lang naman po ito ang sahod nila; may
mga additional allowances at benefits pa sila na aabot sa 160.1
million pesos. Sa madaling sabi, nakatanggap sila ng 211.5 million
pesos noong nakaraang taon. Beinte-kuwatro porsyento lang nito
ang normal na sahod, at sitenta’y sais porsyento ang dagdag.
Ang karaniwang manggagawa hanggang 13th month
pay plus cash gift lang ang nakukuha. Sa MWSS, aabot sa katumbas
ng mahigit sa tatlumpung buwan ang sahod kasama na ang lahat ng
mga bonuses at allowances na nakuha nila.
Mas matindi po ang natuklasan natin sa pasahod
ng kanilang Board of Trustees. Tingnan po natin ang mga allowances
na tinatanggap nila:
Umupo ka lang sa Board of Trustees at Board Committee
meetings, katorse mil na. Aabot ng nobenta’y otso mil ito kada
buwan. May grocery incentive pa sila na otsenta mil kada taon.
Hindi lang iyon: may mid-year bonus, productivity
bonus, anniversary bonus, year-end bonus, at financial assistance.
May Christmas bonus na, may additional Christmas package pa. Kada
isa sa mga ito, nobenta’y otso mil.
Sa suma total po, aabot ang lahat ng dalawa’t
kalahating milyong piso kada taon sa bawat miyembro ng Board maliban
sa pakotse, technical assistance, at pautang. Uulitin ko po. Lahat
ng ito ay ibinibigay nila sa kanilang mga sarili habang hindi
pa nababayaran ang mga pensyon ng kanilang mga retirees.
Pati po ang La Mesa Watershed ay hindi nila pinatawad.
Para magkaroon ng tamang supply ng tubig, kailangang alagaan ang
mga watershed. Sa watershed po, puno ang kailangan. Pati po iyon
na dapat puno ang nakatayo, tinayuan nila ng bahay para sa matataas
na opisyal ng MWSS.
Hindi naman sila agad maaalis sa puwesto dahil
kabilang sila sa mga Midnight Appointees ni dating Pangulong Arroyo.
Iniimbestigahan na natin ang lahat nang ito. Kung mayroon pa silang
kahit kaunting hiya na natitira – sana kusa na lang silang magbitiw
sa puwesto.
Pag-usapan naman natin po ang pondo para sa imprastruktura.
Tumukoy ang DPWH ng dalawandaan apatnapu’t anim na priority safety
projects na popondohan ng Motor Vehicle Users Charge. Mangangailangan
po ito ng budget na 425 million pesos.
Ang pinondohan po, dalawampu’t walong proyekto
lang. Kinalimutan po ang dalawandaan at labing walong proyekto
at pinalitan ng pitumpung proyekto na wala naman sa plano. Ang
hininging 425 million pesos, naging 480 million pesos pa, lumaki
lalo dahil sa mga proyekto sa piling-piling mga benepisyaryo lang
napunta.
Mga proyekto po itong walang saysay, hindi pinag-aralan
at hindi pinaghandaan, kaya parang kabuteng sumusulpot.
Tapos na po ang panahon para dito. Sa administrasyon
po natin, walang kota-kota, walang tongpats, ang pera ng taumbayan
ay gagastusin para sa taumbayan lamang.
Meron pa po tayong natuklasan. Limang araw bago
matapos ang termino ng nakaraang administrasyon, nagpautos silang
maglabas ng 3.5 billion pesos para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta
nina Ondoy at Pepeng.
Walumpu’t anim na proyekto ang paglalaanan dapat
nito na hindi na sana idadaan sa public bidding. Labingsiyam sa
mga ito na nagkakahalaga ng 981 million pesos ang muntik nang
makalusot. Hindi pa nailalabas ang Special Allotment Release Order
ay pirmado na ang mga kontrata.
Buti na lang po ay natuklasan at pinigilan ito
ni Secretary Rogelio Singson ng DPWH. Ngayon po ay dadaan na ang
kabuuan ng 3.5 billion pesos sa tapat na bidding, at magagamit
na ang pondo na ito sa pagbibigay ng lingap sa mga nawalan ng
tahanan dahil kina Ondoy at Pepeng.
Pag-usapan naman natin ang nangyari sa NAPOCOR.
Noong 2001 hanggang 2004, pinilit ng gobyerno ang NAPOCOR na magbenta
ng kuryente nang palugi para hindi tumaas ang presyo. Tila ang
dahilan: pinaghahandaan na nila ang eleksyon.
Dahil dito, noong 2004, sumagad ang pagkakabaon
sa utang ng NAPOCOR. Napilitan ang pambansang gobyerno na sagutin
ang dalawandaang bilyong pisong utang nito.
Ang inaakala ng taumbayan na natipid nila sa kuryente
ay binabayaran din natin mula sa kaban ng bayan. May gastos na
tayo sa kuryente, binabayaran pa natin ang dagdag na pagkakautang
ng gobyerno.
Kung naging matino ang pag-utang, sana’y nadagdagan
ang ating kasiguruhan sa supply ng kuryente. Pero ang desisyon
ay ibinatay sa maling pulitika, at hindi sa pangangailangan ng
taumbayan. Matapos pinagsakripisyo ay lalo pang pinahirapan.
Ganito rin po ang nangyari sa MRT. Sinubukan na
namang bilhin ang ating pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing
mababa ang pamasahe.
Hindi tuloy nagampanan ang garantiyang ibinigay
sa operator na mababawi nila ang kanilang puhunan. Dahil dito,
inutusan ang Landbank at Development Bank of the Philippines na
bilhin ang MRT.
Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit sa isang naluluging
operasyon.
Dumako naman po tayo sa pondo ng NFA.
Noong 2004: 117,000 metric tons ang pagkukulang
ng supply ng Pilipinas. Ang binili nila, 900,000 metric tons.
Kahit ulitin mo pa ng mahigit pitong beses ang pagkukulang, sobra
pa rin ang binili nila.
Noong 2007: 589,000 metric tons ang pagkukulang
ng supply sa Pilipinas. Ang binili nila, 1.827 million metric
tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit tatlong beses ang pagkukulang,
sobra na naman ang binili nila.
Ang masakit nito, dahil sobra-sobra ang binibili
nila taun-taon, nabubulok lang pala sa mga kamalig ang bigas,
kagaya ng nangyari noong 2008.
Hindi po ba krimen ito, na hinahayaan nilang mabulok
ang bigas, sa kabila ng apat na milyong Pilipinong hindi kumakain
ng tatlong beses sa isang araw?
Ang resulta nito, umabot na sa 171.6 billion pesos
ang utang ng NFA noong Mayo ng taong ito.
Ang tinapon na ito, halos puwede na sanang pondohan
ang mga sumusunod:
Ang budget ng buong Hudikatura, na 12.7 billion
pesos sa taong ito.
Ang Conditional Cash Transfers para sa susunod
na taon, na nagkakahalaga ng 29.6 billion pesos.
Ang lahat ng classroom na kailangan ng ating bansa,
na nagkakahalaga ng 130 billion pesos.
Kasuklam-suklam ang kalakarang ito. Pera na, naging
bato pa.
Narinig po ninyo kung paano nilustay ang kaban
ng bayan. Ang malinaw po sa ngayon: ang anumang pagbabago ay magmumula
sa pagsiguro natin na magwawakas na ang pagiging maluho at pagwawaldas.
Kaya nga po mula ngayon: ititigil na natin ang
paglulustay sa salapi ng bayan. Tatanggalin na natin ang mga proyektong
mali.
Ito po ang punto ng tinatawag nating zero-based
approach sa ating budget. Ang naging kalakaran po, taun-taon ay
inuulit lamang ang budget na puno ng tagas. Dadagdagan lang nang
konti, puwede na.
Sa susunod na buwan ay maghahain tayo ng budget
na kumikilala nang tama sa mga problema, at magtutuon din ng pansin
sa tamang solusyon.
Ilan lang ito sa mga natuklasan nating problema.
Heto naman po ang ilang halimbawa ng mga hakbang na ginagawa natin.
Nandiyan po ang kaso ng isang may-ari ng sanglaan.
Bumili siya ng sasakyang tinatayang nasa dalawampu’t anim na milyong
piso ang halaga.
Kung kaya mong bumili ng Lamborghini, bakit hindi
mo kayang magbayad ng buwis?
Nasampahan na po ito ng kaso. Sa pangunguna ni
Finance Secretary Cesar Purisima, Justice Secretary Leila de Lima,
BIR Commissioner Kim Henares at Customs Commissioner Lito Alvarez,
bawat linggo po ay may bago tayong kasong isinasampa kontra sa
mga smuggler at sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Natukoy na rin po ang salarin sa mga kaso nina
Francisco Baldomero, Jose Daguio at Miguel Belen, tatlo sa anim
na insidente ng extralegal killings mula nang umupo tayo.
Singkuwenta porsyento po ng mga insidente ng extralegal
killings na nangyari sa maikling panahon ng ating panunungkulan
ang patungo na sa kanilang resolusyon.
Ang natitira pong kalahati ay hindi natin tatantanan
ang pag-usig hanggang makamit ang katarungan.
Pananagutin natin ang mga mamamatay-tao. Pananagutin
din natin ang mga corrupt sa gobyerno.
Nagsimula nang mabuo ang ating Truth Commission,
sa pangunguna ni dating Chief Justice Hilario Davide. Hahanapin
natin ang katotohanan sa mga nangyari diumanong katiwalian noong
nakaraang siyam na taon.
Sa loob ng linggong ito, pipirmahan ko ang kauna-unahang
Executive Order na nagtatalaga sa pagbuo nitong Truth Commission.
Kung ang sagot sa kawalan ng katarungan ay pananagutan,
ang sagot naman sa kakulangan natin sa pondo ay mga makabago at
malikhaing paraan para tugunan ang mga pagkatagal-tagal nang problema.
Napakarami po ng ating pangangailangan: mula sa
edukasyon, imprastruktura, pangkalusugan, pangangailangan ng militar
at kapulisan, at marami pang iba. Hindi kakasya ang pondo para
mapunan ang lahat ng ito.
Kahit gaano po kalaki ang kakulangan para mapunuan
ang mga listahan ng ating pangangailangan, ganado pa rin ako dahil
marami nang nagpakita ng panibagong interes at kumpyansa sa Pilipinas.
Ito ang magiging solusyon: mga Public-Private
Partnerships. Kahit wala pa pong pirmahang nangyayari dito, masasabi
kong maganda ang magiging bunga ng maraming usapin.
May mga nagpakita na po ng interes, gustong magtayo
ng expressway na mula Maynila, tatahak ng Bulacan, Nueva Ecija,
Nueva Vizcaya, hanggang sa dulo ng Cagayan Valley nang hindi gugugol
ang estado kahit na po piso.
Sa larangan ng ating Sandatahang Lakas:
Mayroon po tayong 36,000 nautical miles ng baybayin.
Ang mayroon lamang tayo: tatlumpu’t dalawang barko. Itong mga
barkong ito, panahon pa ni Gen. MacArthur.
May nagmungkahi sa atin, ito ang proposisyon:
uupahan po nila ang headquarters ng Navy sa Roxas Boulevard at
ang Naval Station sa Fort Bonifacio.
Sagot po nila ang paglipat ng Navy Headquarters
sa Camp Aguinaldo. Agaran, bibigyan tayo ng isandaang milyong
dolyar. At dagdag pa sa lahat nang iyan, magsusubi pa sila sa
atin ng kita mula sa mga negosyong itatayo nila sa uupahan nilang
lupa.
Sa madali pong sabi: Makukuha natin ang kailangan
natin, hindi tatayo gagastos, kikita pa tayo. (applause)
Marami na pong nag-alok at nagmungkahi sa atin,
mula lokal hanggang dayuhang negosyante, na magpuno ng iba’t ibang
pangangailangan.
Mula sa mga public-private partnerships na ito,
lalago ang ating ekonomiya, at bawat Pilipino makikinabang. Napakaraming
sektor na matutulungan nito.
Maipapatayo na po ang imprastrukturang kailangan
natin para palaguin ang turismo.
Sa agrikultura, makakapagtayo na tayo ng mga grains
terminals, refrigeration facilities, maayos na road networks at
post-harvest facilities.
Kung maisaayos natin ang ating food supply chain
sa tulong ng pribadong sektor, sa halip na mag-angkat tayo ay
maari na sana tayong mangarap na mag-supply sa pandaigdigang merkado.
Kung maitatayo ang minumungkahi sa ating mga railway
system, bababa ang presyo ng bilihin. Mas mura, mas mabilis, mas
maginhawa, at makakaiwas pa sa kotong cops at mga kumokotong na
rebelde ang mga bumibiyahe. (applause)
Paalala lang po: una sa ating plataporma ang paglikha
ng mga trabaho, at nanggagaling ang trabaho sa paglago ng industriya.
Lalago lamang ang industriya kung gagawin nating mas malinis,
mas mabilis, at mas maginhawa ang proseso para sa mga gustong
magnegosyo.
Pabibilisin natin ang proseso ng mga proyektong
sumasailalim sa Build-Operate-Transfer. Sa tulong ng lahat ng
sangay ng gobyerno at ng mga mamamayan, pabababain natin sa anim
na buwan ang proseso na noon ay inaabot ng taon kung hindi dekada.
May mga hakbang na rin pong sinisimulan ang DTI,
sa pamumuno ni Secretary Gregory Domingo:
Ang walang-katapusang pabalik-balik sa proseso
ng pagrehistro ng pangalan ng kumpanya, na kada dalaw ay umaabot
ng apat hanggang walong oras, ibababa na natin sa labinlimang
minuto. (applause)
Ang dating listahan ng tatlumpu’t anim na dokumento,
ibababa na natin sa anim. Ang dating walong pahinang application
form, ibababa natin sa isang pahina.
Nananawagan ako sa ating mga LGUs. Habang naghahanap
tayo ng paraan para gawing mas mabilis ang pagbubukas ng mga negosyo,
pag-aralan din sana nila ang kanilang mga proseso. Kailangan itong
gawing mas mabilis, at kailangan itong itugma sa mga sinisumulan
nating reporma.
Negosyante, sundalo, rebelde, at karaniwang Pilipino,
lahat po makikinabang dito. Basta po hindi dehado ang Pilipino,
papasukin po natin lahat iyan. (applause) Kailangan na po nating
simulan ang pagtutulungan para makamit ito. Huwag nating pahirapan
ang isa’t isa.
Parating na po ang panahon na hindi na natin kailangang
mamili sa pagitan ng seguridad ng ating mamamayan o sa kinabukasan
ng inyong mga anak.
Oras na maipatupad ang public-private partnerships
na ito, mapopondohan ang mga serbisyong panlipunan, alinsunod
sa ating plataporma.
Magkakapondo na po para maipatupad ang mga plano
natin sa edukasyon.
Mapapalawak natin ang basic education cycle mula
sa napakaikling sampung taon tungo sa global standard na labindalawang
taon.
Madadagdagan na natin ang mga classroom. Mapopondohan
na natin ang service contracting sa ilalim ng GASTPE.
Pati ang conditional cash transfers, na magbabawas
ng pabigat sa bulsa ng mga pamilya, madadagdan na rin ng pondo.
Maipapatupad ang plano natin sa PhilHealth.
Una, tutukuyin natin ang tunay na bilang ng mga
nangangailangan nito. Sa ngayon, hindi magkakatugma ang datos.
Sabi ng PhilHealth sa isang bibig, walumpu’t pitong porsyento
na raw ang merong coverage. Sa kabilang bibig naman nila, singkuwenta’y
tres porsyento naman. Ayon naman sa National Statistics Office,
tatlumpu’t walong porsyento ang may coverage.
Ngayon pa lang, kumikilos na si Secretary Dinky
Soliman at ang DSWD upang ipatupad ang National Household Targetting
System, na magtutukoy sa mga pamilyang higit na nangangailangan
ng tulong. Tinatayang siyam na bilyon ang kailangan para mabigyan
ng PhilHealth ang limang milyong pinakamaralitang pamilyang Pilipino.
Napakaganda po ng hinaharap natin. Kasama na po
natin ang pribadong sektor, at kasama na rin natin ang League
of Provinces, sa pangunguna nina Governor Alfonso Umali kasama
sina Governor L-Ray Villafuerte at Governor Icot Petilla. Handa
na pong makipagtulungan para makibahagi sa pagtustos ng mga gastusin.
Alam ko rin pong hindi magpapahuli ang League of Cities sa pangunguna
ni Mayor Oscar Rodriguez.
Kung ang mga gobyernong lokal ay nakikiramay na
sa ating mga adhikain, ang Kongreso namang pinanggalingan ko,
siguro naman maasahan ko din.
Nagpakitang-gilas na po ang gabinete sa pagtukoy
ng ating mga problema at sa paglulunsad ng mga solusyon sa loob
lamang ng tatlong linggo.
Nang bagyo pong Basyang, ang sabi sa atin ng mga
may prangkisa sa kuryente, apat na araw na walang kuryente. Dahil
sa mabilis na pagkilos ni Secretary Rene Almendras at ng Department
of Energy, naibalik ang kuryente sa halos lahat sa loob lamang
ng beinte-kwatro oras.
Ito pong sinasabing kakulangan sa tubig sa Metro
Manila, kinilusan agad ni Secretary Rogelio Singson at ng DPWH.
Hindi na siya naghintay ng utos, kaya nabawasan ang perwisyo.
Nakita na rin natin ang gilas ng mga hinirang
nating makatulong sa Gabinete. Makatuwiran naman po sigurong umasa
na hindi na sila padadaanin sa butas ng karayom para makumpirma
ng Commission on Appointments.
Kung mangyayari po ito, marami pa sa mga mahuhusay na Pilipino
ang maeengganyong magsilbi sa gobyerno.
Sa lalong madaling panahon, uupo na tayo sa LEDAC
at pag-uusapan ang mga mahahalagang batas na kailangan nating
ipasa. Makakaasa kayo na mananatiling bukas ang aking isipan,
at ang ating ugnayan ay mananatiling tapat.
Isinusulong po natin ang Fiscal Responsibility
Bill, kung saan hindi tayo magpapasa ng batas na mangangailangan
ng pondo kung hindi pa natukoy ang panggagalingan nito. May 104.1
billion pesos tayong kailangan para pondohan ang mga batas na
naipasa na, ngunit hindi maipatupad.
Kailangan din nating isaayos ang mga insentibong
piskal na ibinigay noong nakaraan. Ngayong naghihigpit tayo ng
sinturon, kailangang balikan kung alin sa mga ito ang dapat manatili
at kung ano ang dapat nang itigil.
Huwag po tayong pumayag na magkaroon ng isa pang
NBN-ZTE. Sa lokal man o dayuhan manggagaling ang pondo, dapat
dumaan ito sa tamang proseso. Hinihingi ko po ang tulong ninyo
upang amiyendahan ang ating Procurement Law.
Ayon po sa Saligang Batas, tungkulin ng estado
ang siguruhing walang lamangan sa merkado. Bawal ang monopolya,
bawal ang mga cartel na sasakal sa kumpetisyon. Kailangan po natin
ng isang Anti-Trust Law na magbibigay-buhay sa mga prinsipyong
ito. Ito ang magbibigay ng pagkakataon sa mga Small at Medium-scale
Enterprises na makilahok at tumulong sa paglago ng ating ekonomiya.
Ipasa na po natin ang National Land Use Bill.
Una rin pong naging batas ng Commonwealth ang
National Defense Act, na ipinasa noon pang 1935. Kailangan nang
palitan ito ng batas na tutugon sa pangangailangan ng pambansang
seguridad sa kasalukuyan.
Nakikiusap po akong isulong ang Whistleblower’s
Bill upang patuloy nang iwaksi ang kultura ng takot at pananahimik.
Palalakasin po lalo ang Witness Protection Program.
Alalahanin po natin na noong taong 2009 hanggang 2010, may nahatulan
sa 95% ng mga kaso kung saan may witness na sumailalim sa programang
ito.
Kailangang repasuhin ang ating mga batas. Nanawagan
po akong umpisahan na ang rekodipikasyon ng ating mga batas, upang
siguruhing magkakatugma sila at hindi salu-salungat.
Ito pong mga batas na ito ang batayan ng kaayusan,
ngunit ang pundasyon ng lahat ng ginagawa natin ay ang prinsipyong
wala tayong mararating kung walang kapayapaan at katahimikan.
Dalawa ang hinaharap nating suliranin sa usapin
ng kapayapaan: ang sitwasyon sa Mindanao, at ang patuloy na pag-aaklas
ng CPP-NPA-NDF.
Tungkol sa sitwasyon sa Mindanao: Hindi po nagbabago
ang ating pananaw. Mararating lamang ang kapayapaan at katahimikan
kung mag-uusap ang lahat ng apektado: Moro, Lumad, at Kristiyano.
Inatasan na natin si Dean Marvic Leonen na mangasiwa sa ginagawa
nating pakikipag-usap sa MILF.
Iiwasan natin ang mga pagkakamaling nangyari sa
nakaraang administrasyon, kung saan binulaga na lang ang mga mamamayan
ng Mindanao. Hindi tayo pwedeng magbulag-bulagan sa mga dudang
may kulay ng pulitika ang naging proseso, at hindi ang kapakanan
ng taumbayan ang tanging interes.
Kinikilala natin ang mga hakbang na ginagawa ng
MILF sa pamamagitan ng pagdidisplina sa kanilang hanay. Inaasahan
natin na muling magsisimula ang negosasyon pagkatapos ng Ramadan.
Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF: Tanong ko lang
po. Handa na ba kayong maglaan ng kongkretong mungkahi, sa halip
na pawang batikos lamang?
Kung kapayapaan din ang hangad ninyo, handa po
kami sa malawakang tigil-putukan. Kayo po ba ay handa rin? Mag-usap
tayo.
Mahirap magsimula ang usapan habang mayroon pang
amoy ng pulbura sa hangin. Nananawagan ako: huwag po natin hayaang
masayang ang napakagandang pagkakataong ito upang magtipon sa
ilalim ng iisang adhikain.
Kapayapaan at katahimikan po ang pundasyon ng
kaunlaran. Habang nagpapatuloy ang barilan, patuloy din ang pagkakagapos
natin sa kahirapan.
Dapat din po nating mabatid: ito ay panahon ng
sakripisyo. At ang sakripisyong ito ang magiging puhunan para
sa ating kinabukasan. Kaakibat ng ating mga karapatan at kalayaan
ay ang tungkulin natin sa kapwa at sa bayan.
Inaasahan ko po ang ating mga kaibigan sa media,
lalo na sa radyo at sa print, sa mga nagbablock-time, at sa community
newspapers, kayo na po mismo ang magbantay sa inyong hanay.
Mabigyang-buhay sana ang mga batayang prinsipyo
ng inyong bokasyon: ang magbigay-linaw sa mahahalagang isyu; ang
maging patas at makatotohanan, at ang itaas ang antas ng pampublikong
diskurso.
Tungkulin po ng bawat Pilipino na tutukan ang
mga pinunong tayo rin naman ang nagluklok sa puwesto. Humakbang
mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok. Dahil ang nakikialam,
walang-hanggan ang reklamo. Ang nakikilahok, nakikibahagi sa solusyon.
Napakatagal na pong namamayani ang pananaw na
ang susi sa asenso ay ang intindihin ang sarili kaysa intindihin
ang kapwa. Malinaw po sa akin: paano tayo aasenso habang nilalamangan
ang kapwa?
Ang hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral, paanong
makakakuha ng trabaho? Kung walang trabaho, paanong magiging konsumer?
Paanong mag-iimpok sa bangko?
Ngunit kung babaliktarin natin ang pananaw, kung
iisipin nating “Dadagdagan ko ang kakayahan ng aking kapwa” --
magbubunga po ito, at ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon.
Maganda na po ang nasimulan natin. At mas lalong
maganda pa po ang mararating natin. Ngunit huwag nating kalimutan
na mayroong mga nagnanasang hindi tayo magtagumpay. Dahil kapag
hindi tayo nagtagumpay, makakabalik na naman sila sa kapangyarihan,
at sa pagsasamantala sa taumbayan.
Akin pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala
sa ating kinalalagyan ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan
ng ating kapwa, bendisyon at patnubay ay tiyak na maaasahan natin
sa Poong Maykapal. At kapag nanalig tayo na ang kasangga natin
ay ang Diyos, mayroon ba tayong hindi kakayanin?
Ang mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay
patunay na umaasa pa rin ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga
ang sitwasyon. Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa
katuparan ng ating mga pinangarap.
Maraming salamat po. Magandang hapon sa inyong
lahat.